MANILA, Philippines - Gagastos ang Palasyo ng tinatayang P16.34 milyon para sa limang araw na pagbisita ni Pangulong Noynoy Aquino sa Japan para sa 18th APEC Economic Leaders’ Meeting.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr., ang naturang halaga ay para sa gastusin sa akomodasyon, transportasyon, pagkain at pasahe sa eroplano ng 51 katao na kasama ng Pangulo sa kanyang unang partisipasyon sa pulong ng mga pinuno ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Yokohama mula Nobyembre 12 hanggang 15.
Sinabi ni Ochoa na nasanay na ang mga empleyado ng Malakanyang sa mga paraan ng pagtitipid ng Punong Ehekutibo. “Everyone is conscious about the President’s desire to cut back on unnecessary expenses, so support staff are aware that they have to trim back their numbers to the barest minimum to perform their tasks during the trip,” paliwanag ni Ochoa.
Ayon sa Executive Secretary, ipinatutupad din ang paghihigpit ng sinturon sa iba pang tauhan ng gobyerno na nagnanais na magbiyahe sa ibang bansa.
“Only agency heads, for example, are allowed to use business class for commercial flights abroad and only on long-haul flights to destinations like the United States,” aniya. “For shorter flights, everyone-without exception-has to fly economy,” wika pa ni Ochoa.