MANILA, Philippines - Umaabot sa kabuuang 205 katao na naninirahan sa palibot ng Bulusan Volcano sa Casiguran, Sorsogon ang inilikas dahilan sa patuloy nitong pag-aalburuto na nagbabadya ng pagsabog.
Sa tala, sinabi ni National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, 27 pamilya o katumbas ng 170 katao mula sa Barangay Inlagadian ang nanunuluyan sa Escuala Elementary School.
Pitong pamilya o katumbas ng 25 katao mula sa Barangay San Juan ang inilikas naman sa San Juan Elementary School. Anim na bayan na may 70 barangay ang posibleng maapektuhan sakaling tuluyang pumutok ang bulkan. Kabilang dito ang mga bayan ng Juban, Irosin, Casiguran, Gubat, Barcelona at Bulusan.
Nanatili naman ayon sa opisyal sa Alert level 1 ang status sa palibot ng Bulusan volcano at patuloy ring imomonitor ang pagbubuga nito ng mainit na usok mula sa crater.
Nitong Lunes ay muling naitala ang pagbubuga ng ash fall sa summit crater ng Bulusan na nairekord dakong alas- 6:45 ng umaga kung saan may taas itong 700 metro mula sa bunganga ng bulkan. Samantalang naitala rin ang 28 paglindol ng bulkan sa loob ng 24 oras, ayon pa sa opisyal.