BATANGAS, Philippines – Pinaniniwalaang makukuha ng Batangas ang bansag na murder capital ng Southern Tagalog matapos ang magkakasunod na patayan ang naganap sa magkakahiwalay na shooting incident kung saan apat ang napatay.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director ang napatay sa bayan ng Balayan na sina Ireneo Rodriguez y Manalo, 38, ng Brgy. Coral ng Lopez, Calaca, Batangas at si Venancio Delos Reyes y Manalo, 47, ng Brgy. Canda, Balayan.
Ayon sa ulat, sakay ng motorsiklo si Rodriguez nang harangin at pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki na sakay din ng motorsiklo sa bahagi ng Barangay Caybunga, Balayan bandang alas-8 ng umaga kahapon.
Samantala, nanonood naman ng telebisyon si Delos Reyes sa loob ng bahay kasama ang sariling pamilya nang ratratin ng mga armadong lalaki bandang alas-7:30 kamakalawa ng gabi.
Kasunod nito, napaslang din sina Ricky Miranda y Dellosa, 41, ng Brgy. Tinurik, Tanauan City at Domingo Macahiya y Ramilo, 49, ng Brgy. Sambat, Tanauan City.
Batay sa report, nag-aabang ng pasahero ang tricycle driver na si Miranda nang barilin ng suspek na si Armando Perez bago tumakas.
Habang naglalaro naman ng computer si Macahiya sa Hyper Computer Shop sa Barangay Sambat nang biglang barilin ng ‘di- pa kilalang lalaki bandang alas-9 ng gabi.
Inaalam pa rin ng mga otoridad kung ano ang mga motibo ng apat na pamamaril.