MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga Somali pirates nitong Sabado ang na-hijacked nilang South Korean-operated supertanker at 24 na tripulante nito, na kinabibilangan ng 19 Pinoy seamen at limang South Koreans, matapos umanong may magbayad ng ransom para sa mga ito.
Sa ulat na natanggap ng DFA nitong Linggo, nasa mabuti naman umanong kalagayan ang mga tripulante ng Samho Dream, na naglalayag na mula Iraq patungo sa US State of Louisiana at inieskortan ng South Korean destroyer.
Noong Abril pa na-hijacked ng mga pirata ang tanker na may lulang krudo na nagkakahalaga ng $160 milyon, sa Indian Ocean.
Bagamat wala nang iba pang detalye na ibinigay kung paano napalaya ang tanker at mga tripulante nito matapos ang pitong buwang pagkakabihag, may mga naglalabasan namang ulat na may nagbayad umano ng $9 milyon hanggang $9.5 milyong ransom. Ang orihinal umanong ransom demand ng mga pirata ay $20 milyon.
Hindi rin naman malinaw kung sino ang nagbayad ng ransom, ngunit ayon sa mga ulat, ito na ang pinakamalaking ransom na ibinigay sa mga pirata.
Tumanggi namang magbigay ng komento rito ang operator ng tanker na Samho shipping.