MANILA, Philippines - Tutol ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa ginagawa ng ilang Katoliko na pagdarasal sa Panginoon para manalo sa lotto at iba pang uri ng sugal, dahil ito’y “depektibo” umanong uri ng pagiging relihiyoso.
Reaksiyon ito ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA), sa mga ulat na maraming deboto ang nagdarasal sa mga simbahan sa pagbabakasaling mapanalunan ang may P300 milyong papremyo dito.
Hindi rin nagustuhan ni Iniguez ang ulat na ipinapahid pa ng mga lotto bettor ang kanilang mga tiket sa mga imahe ng mga santo sa loob ng mga simbahan para suwertehin lamang.
Ayon kay Iniguez, ang sugal ay “incompatible” sa Christianity at ang paghihingi ng suwerte sa Diyos para manalo dito ay hindi tama.
Mariin ang pagtutol ng simbahan sa anumang uri ng sugal dahil nakasasama anila ito sa lipunan.
Tinatayang milyong katao ang pumila sa mga lotto outlet sa buong bansa kahapon sa pagbabakasakaling maging “instant milyonaryo” at makaahon sa kahirapan.
Ito’y matapos na pumalo sa P300 milyon ang jackpot prize sa 6/55 Grand Lotto draw ng PCSO kahapon matapos na walang suwertehing manalo sa isinagawang bola dito noong Lunes.