MANILA, Philippines - Dalawang Pinay ang nahaharap sa parusang bitay matapos na masabat at mahulihan ng kilo-kilong cocaine sa kanilang bagahe habang papasok sa Brazil International Airport.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, kasalukuyang nakapiit ngayon at nahaharap sa kasong drug trafficking ang hindi pa pinangalanang mga Pinay matapos na arestuhin ng Brazilian Federal Police habang papasok sa Guarulhos International Airport sa magkasunod na insidente kamakailan.
Isa sa Pinay ay nakitaan sa kanyang luggage ng 15 bags ng cocaine na tumitimbang ng 5 kilo.
Sinabi ng Pinay sa mga police agents na nabili umano niya ang mga bag sa Sao Paolo St. na ibebenta naman umano niya pag-uwi sa Pilipinas. Aniya, hindi niya alam na ang 15 bags na kanyang binili ay naglalaman ng cocaine.
Ayon kay Ambassador Eva Betita, matapos na mahuli ang nasabing Pinay ay sumunod pa na naaresto ang isa noong Oktubre 17 na nahulihan ng hindi binanggit na timbang ng ipinagbabawal na droga.
Mula Enero hanggang Oktubre ngayon taon ay 15 Pinoy ang naaresto sa Brazil dahil sa kasong drug trafficking, 13 dito ay kababaihan.