MANILA, Philippines – Brinaso umano ni dating Pangulo at ngayoy Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo si dating NEDA Secretary Romulo Neri isang araw bago pirmahan ang $329 million ZTE national broadband network deal sa China noong Abril 21, 2007.
Ito ang testimonya ni Star columnist Jarius Bondoc kahapon sa pagdinig sa Sandiganbayan Fourth Division kaugnay ng kasong graft ni dating Comelec chairman Benjamin Abalos.
Sinabi ni Bondoc na umaga ng Agosto 20,2007 ay tinawagan siya ni Neri at ibinigay sa kanya ang apat na pangalan na sinasabing may kinalaman sa ZTE-NBN project.
“Sec. Neri mentioned a certain Ricky Razon, Abalos and either GMA (Arroyo’s initials) or (then First Gentleman Jose Miguel) Mike Arroyo. He said, ‘You find out for yourself. I can’t tell you. I won’t tell you’,” pahayag ni Bondoc sa graft court.
Sinabi ni Bondoc na kinokonsidera niyang kaibigan si Neri noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino noong si Neri ay pinuno ng Congressional Planning and Budget Office ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito anya ang dahilan kung bakit nagtiwala sa kanya si Neri para ibigay sa kanya ang impormasyon hinggil dito.
Sinabi din anya ni Neri sa kanya na naihayag niya kay Mrs. Arroyo na nagbibigay sa kanya si Abalos ng P200 Milyon at sinabi ni Mrs. Arroyo na ““E di huwag mong tanggapin, but I need the NEDA approvals just the same.”
Isa si Bondoc na naipatawag sa usaping ito matapos magsulat ng mga artikulo kaugnay ng NBN project.