MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasagawa ng preliminary investigation (PI) kaugnay sa kasong corporate fraud at iba pang kaso tulad ng syndicated estafa, qualified theft at bouncing checks, na isinampa ng M.Y. Intercontinental Trading Corporation (MITC) laban sa Saint Mary’s Publishing Corporation (SMPC).
Sa mahigit 20-pahinang complaint affidavit, inakusahan ng MITC si SMPC President Jerry Vicente Catabijan at asawa nitong si May Jovero-Catabijan nang umano’y pakikipagsabwatan sa iba pang director at empleyado ng Saint Mary’s upang umano’y “lokohin” sila ng malaking halaga, na ang inisyal ay umabot sa mahigit P6 milyon.
Ang Saint Mary’s ay naglilimbag ng mga textbook, gamit ang pondo ng mga private funders, local at foreign, sa pamamagitan ng MITC, sa nakalipas na limang taon.
Sinasabing sinampahan ito ng kaso ng MITC matapos na umano’y “lokohin” ang kanilang mga creditors sa kanilang 2009-2010 operation, sa halagang mahigit P100 milyon.
Isinagawa umano ito matapos na ilipat ang pondo na para sa pag-imprenta sa personal account ng mag-asawang Catabijan, at ang idinahilan ay ang hindi magandang takbo ng negosyo.