MANILA, Philippines – Binuwag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang may 161 checkpoints ng ahensiya matapos ang assessment sa kung alin sa mga ito ang epektibo sa pagharang at pagkumpiska ng mga iligal na troso.
Ito ay batay sa direktiba ni Environment Secretary Ramon Paje na pagbubuwagin na ang mga checkpoints na wala sa estratehikong lugar at iyong mga nagagamit lamang para sa iligal na raket ng mga tauhan nito.
Ayon kay Paje, ilan sa mga checkpoints ay kasangkapan pa sa pangingikil sa mga nagbibiyahe ng troso kahit pa ligal o dukumentado ang mga ito.
Sa pagbabawas ng mga checkpoints, inaasahan ng DENR na mas mapapalakas ang kanilang internal at external control mechanism sa mga ito bilang paraan ng pagsawata ng isang uri ng katiwalian sa kagawaran.