MANILA, Philippines - Matapos ang anim na buwang pagkakabihag, pinalaya na rin ng mga Somali pirate ang may 21 Pinoy seamen na dinukot habang sakay ng kanilang barko sa Oman simula pa noong Abril.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), pinalaya na nitong Linggo ng mga pirata ang MV Voc Daisy, isang Panamanian-flagged vessel, at tiniyak na ang mga tripulante nito ay pawang nasa maayos na kalusugan.
Nabatid na Abril 21 nang i-hijacked ng mga pirata ang barko sa karagatang sakop ng Salalah, Oman.
Nakikipag-ugnayan na umano ngayon ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA) sa manning agency at sa may-ari ng barko para sa agarang pagpapauwi sa bansa ng mga Pinoy seamen.
Dahil sa pagpapalaya sa mga naturang tripulanteng Pinoy, umaabot na lamang sa 80 ang mga Pinoy seamen na hawak ngayon ng mga Somali pirate sa Gulf of Aden at lulan ng may anim na barko.
Kabilang sa mga ito ang MV Iceberg 1 (1), MV Samho Dream (19), MV Eleni P (19), FV Tai Yuan (3), MT Motivator (18) at MV Izumi (20).