MANILA, Philippines - Malamang na hindi magtagumpay ang usapang pangkapayapaan kung mananatiling arogante si Presidential Peace Process Adviser Teresita “Ging” Deles.
Ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, walang puwang sa gobyerno ang kayabangan at kung hindi kaya ni Deles na makatrabaho ng maayos ang mga nasa gobyerno ay hindi lalo ito maaasahan na makatrabaho ang mga itinuturing na kalaban ng pamahalaan.
Hinamon din ni Escudero si Deles na huwag umanong magtago sa “palda” ni Pangulong Aquino dahil mistulang nagpakampi ito matapos iginiit ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na dapat magbitiw si Deles bilang peace adviser.
Ipinunto pa ni Escudero na kung isa lamang mambabatas ang nagreklamo ng kayabangan ni Deles ay posibleng hindi pa ito paniwalaan pero halos lahat umano ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ay kumatig sa resolusyon na nagpapa-resign kay Deles.
Matatandaan na napaulat na sinabihan ni Deles ang mga mambabatas mula sa Mindanao partikular si Lanao del Norte Rep. Aliah Dimaporo na karamihan umano ay mga bago at hindi naiintindihan ang proseso ng peace process.
Iginiit naman kahapon ng Malacañang na mananatili si Deles at buo ang tiwala ng Pangulo sa kakayahan nito. (Malou Escudero/Rudy Andal)