MANILA, Philippines - Iginiit kahapon nina Senators Miriam Defensor-Santiago at Joker Arroyo na dapat nang tapusin ang Visiting Forces Agreement (VFA) na hindi na umano maituturing na “visiting” kundi permanente na sa bansa.
Ayon kay Arroyo, ipinakikita ng gobyerno kung gaano kababaw ang kaligayahan ng mga Filipino dahil sa tuwing umiiit ang usapin ng VFA ay tumutulong ang mga sundalong Amerikanong nasa bansa sa kung anu-anong gawain katulad ng pagpapagawa ng mga tulay at paaralan upang hindi sila pag-initan.
Sinabi pa ni Arroyo na kahit kailan ay hind siya naging pabor sa pagkakaroon ng anumang klase ng base militar sa bansa at dapat na umanong tapusin ng gobyerno ang VFA.
Ayon naman kay Santiago, hindi na dapat ikonsidera ni Pangulong Aquino ang sinasabing “refinements” sa nasabing kasunduan dahil kung tutuusin ay maaaring i-terminate ng Kongreso ang VFA kahit na hindi inaaprubahan ng Malacañang.
Ginawa ni Santiago ang reaksiyon matapos mapaulat na sinabi ni Pangulong Aquino kay US Ambassador Harry Thomas Jr. na plano nitong i-refine ang VFA upang mas lalong mapabuti ito.