IBA, Zambales, Philippines — Isinusulong ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ang industriya ng turismo upang maging pangunahing eco-tourism destination ang nabanggit na lalawigan sa mga susunod na taon.
Saklaw ng eco-tourism destination ay ang pagpapaunlad ng natural attractions tulad ng mga dalampasigan, ilog, lawa, kuweba at kagubatan sa may 13 bayan sa lalawigan ng Zambales. Ang dalampasigan ng Zambales na may habang 170-kilometro kung saan may mga sandy beach na ideyal na paliguan at mga water sports gayundin ang ilang secluded cove para naman sa mga camper, maging ang mga coral reefs para naman sa recreational diving. Napag-alamang nag-scuba dive si Gov. Ebdane sa Hermana Menor Island sa bayan ng Sta. Cruz upang personal na tingnan ang potensyal na tourism destination. Sa paglilibot pa rin ni Ebdane, natukoy ang iba pang tourist spots tulad ng mga kuweba sa mga bayan ng Candelaria at Sta. Cruz at maging ang white water rafting sa bulubunduking komunidad ng Coto sa bayan ng Masinloc. Sa naging pahayag naman ni Sta. Cruz Mayor Luisito Marty, ang mga coral reef sa paligid ng isla ay tinamnan ng mga giant clams at ang bahura ay napakalawak at may mga colorful reef. “Maisusulong ang mga tourism program sa Zambales kung maisasakatuparan ang konstruksyon ng Botolan-Capas Road na mag-uugnay sa Zambales at Tarlac gayundin ang Sta. Cruz-Mangatarem Road na magdurugtong naman sa Pangasinan,” pahayag ni Ebdane.