MANILA, Philippines - Mabibigyan ng malaking tulong ang industriya ng sining at entertainment kapag naging batas ang isang bill na inihain ni Cong. Freddie Tinga ng 2nd District ng Taguig.
Ang bill ay naglalayong bigyan ng “corporate tax break” ang lokal na industriya ng pelikula at entertainment at huwag pagbayarin ng amusement tax ang mga sinehan at iba pang tanghalan na magpapalabas ng mga pelikulang Pilipino, at mga musika at sining na pinangungunahan ng mga artistang Pinoy.
Ayon kay Tinga, ang digital piracy at kawalan ng copyright protection ang isa sa mga pangunahing problema ng industriya.
Maging ang mga film producer ay nag-aalangan nang gumawa ng pelikula dahil naibebenta kaagad ang kanilang pelikula sa lansangan isang araw matapos ipalabas ang kanilang pelikula.
Ang malaking pagbaba ng bilang ng mga ginagawang pelikulang Pilipino mula 200 bawat taon hanggang sa 30 na lamang ay isang senyales na unti-unting namamatay ang industriya ng pelikula sa bansa.
Ayon kay Tinga, ang sobra-sobrang buwis sa kita ay nakakaapekto ng malaki at nakakapigil sa lokal na mga pelikula na makipagkumpitensiya sa mga pelikulang banyaga.
Naniniwala si Tinga na ang pinakamabisang paraan upang buhaying muli ang lokal na industriya ay ang alisin ang buwis na ipinapataw dito.