MANILA, Philippines - Nanawagan si Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu kay Pangulong Noynoy Aquino at sa Department of Justice (DOJ) na tutukan ang na karating sa kanilang ulat na nagpaplanong tumakas ang isa sa miyembro ng pamilya Ampatuan na nakadetine sa Metro Manila District Jail sa Taguig City.
Sinabi ni Mangudadatu matapos ang pagdinig sa kasong masaker nitong nakaraang Miyerkules, na patuloy na tumatanggap ng “VIP treatment” ang mga akusado partikular na ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan.
Tinukoy nito ang hindi pagkakaposas kay Datu Unsay Andal Ampatuan Jr. nang dalhin ito sa korte ng mga jailguards at maging sa kabuuan ng pagdiig habang ang ibang mga akusado ay nakaposas.
Nararapat umano na rebisahin muli ng DOJ at DILG ang “security protocol” sa mga Ampatuan.
Samantala, kinumpirma ng ikalawang saksi ng prosekusyon na si Noradin Mauya ang pagbuo ng armadong puwersa ng mga Ampatuan sa kanilang lugar sa Sitio Malanting, Brgy. Salman, sa bayan ng Ampatuan ilang araw bago maganap ang masaker noong Nobyembre 23, 2009.
Pinamumunuan umano ito ni Datu Kanor Ampatuan, isa sa mga akusado, at sinabihan ang mga residente na kanilangan nilang lumikas dahil sa gagawing pagsalakay sa convoy nina Mangudadatu.