MANILA, Philippines - Simula na ngayon ang pagpapatupad ng total gun ban ng Commission on Elections (Comelec) bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 25.
Ayon kay Comelec Commissioner Lucenito Tagle, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang uri ng baril, pampasabog, airsoft guns at bladed weapons.
Tanging mga regular members lamang ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at iba pang government law enforcement agencies ang pinapayagang magbitbit ng armas habang naka-duty ang mga ito.
Magtatagal naman ang gun ban hanggang November 10.
Hinimok rin ni Tagle ang mga local candidates na nangangailangan ng bodyguards na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga Provincial Joint Security Control Centers.
Una rito, inilagay na sa mahigpit na monitoring ng mga awtoridad ang 14 na lalawigan sa bansa.
Ayon sa report, ang mga nasabing lugar ay una na umanong natukoy na may presensiya ng mga private armed groups.
Kabilang dito ang Samar, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Maguindanao, Sulu, Basilan, Nueva Ecija, Abra, Surigao, Zamboanga, Sibugay, Sarangani, Eastern at Western Samar at Antique.
Samantala, sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta Jr. na patuloy umano ang ginagawang paghahanda ng militar para matiyak na maging malinis at mapayapa ang gagawing halalan kung saan kapwa iaaktibo ng PNP at AFP ang kani-kanilang Task Force Honest, Orderly and Peaceful Elections (HOPE).
Ang campaign period para sa barangay election ay magsisimula sa Oktubre 14-23 kung saan ay maglalatag ng mga checkpoints partikular na sa mga lugar na ikinokonsiderang mga hotspots.