MANILA, Philippines - Tuluyan nang pinangalanan ni retired Lingayen Archbishop Oscar Cruz sina Interior and Local Government Secretary Rico Puno at ang nagretirong si PNP chief Jesus Verzosa sa mga umano’y nakikinabang sa jueteng.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, nais sana ni Cruz na sa isang executive session tukuyin ang mga personalidad na tumatanggap ng pera sa jueteng pero tinutulan ito nina Senate President Juan Ponce Enrile, Sen. Gringo Honasan at Sen. Chiz Escudero.
Ikinatuwiran ni Escudero na kahit sa executive session pa ilabas ang pangalan ng mga sangkot, puwede pa rin itong isapubliko kung mapagbotohan ng mayorya ng Senado.
Ibinigay na lamang ni Bishop Cruz ang hawak na listahan ng mga tumatanggap ng pera mula sa jueteng kay Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng komite na binasa naman ng senador.
Kasama rin sa nasabing listahan ang mga operators na sina Lilia “Baby” Pineda sa Pampanga; Paul Dy sa Isabela; retired general Eugene Martin at Mayor Domogan sa Baguio; Danny Soriano sa Cagayan; isang retired general Padilla sa Pasay, Parañaque, Muntinlupa, at San Pedro; isang governor Espino sa Pangasinan; at isang Boy Jalandoni sa Bacolod.
Ang pangalan nina Verzosa at Puno ay nakalista sa ilalim ng “national jueteng payola flow,” kasama ang isang Eddie Fontanilla (“collector on the ground”) at isang retired general Cachuela (“intermediate recipient”).
Kapwa itinanggi naman nina Puno at Verzosa ang akusasyon na nakikinabang sila sa jueteng.