MANILA, Philippines - Tahasang binatikos kahapon ni Sen. Joker Arroyo ang administrasyon ni Presidente Noynoy Aquino dahil inuna pa nito na bigyan ng kopya ng resulta ng imbestigasyon sa Manila hostage crisis ang pamahalaan ng China kaysa mga Pinoy.
Nilait ni Arroyo ang gobyerno ni Aquino na aniya’y pinapatakbo ng mga neophyte o bagito tulad ng ‘student government’.
Aniya, palpak ang desisyon ni P-Noy na ibigay sa Chinese authorities ang IIRC report kaysa sa mga Filipino.
Kasabay nito, binatikos din ng iba pang mambabatas ang Pangulo sa pagsasabing “Presidente ba siya ng Pilipinas o ng mga Tsino?”, tanong ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino.
?Ayon pa kay Sen. Arroyo, maling-mali ang gobyernong Aquino sa desisyon nitong ibigay muna sa Chinese government ang IIRC report gayundin sa paglalagay ng pondo para sa 2011 proposed national budget.
Wika pa ni Arroyo, lumitaw na nasa 123 percent ang increase ng DSWD sa susunod na taon habang ang judiciary na co-equal branch ng executive department ay mayroon lamang 1 percent increase sa 2011 budget nito.
Iginiit pa ng mambabatas, hindi dapat bigyan ng malaking pondo ang pagkakaloob ng dole-out ng gobyerno sa pamamagitan ng conditional cash transfer dahil mas importante na trabaho ang ibigay sa mga ito.
Napaulat na naglaan ng P8 bilyong subsidies o dole-outs ang pamahalaan para sa may dalawang milyong mahirap na pamilyang Pinoy.
Una nang sinabi ni Father Anton Pascual, pangulo ng church-run Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila, na mayroon din masamang epekto ang dole-outs dahil natuturuan nito ang mga mamamayan na maging tamad at maghintay na lamang ng tulong mula sa pamahalaan.