MANILA, Philippines - Umamin na ang babaeng pasahero ng Gulf Air Flight na inimbitahan ng National Bureau of Investigation (NBI) na siya ang nagsilang kay George Francis, ang sanggol na iniwan sa loob basurahan sa comfort room ng nasabing eroplano noong Linggo.
Nabatid kay NBI Director Magtanggol Gatdula na binisita ni Cavite Rep. Lani Mercado ang nasabing pasahero na sinundo pa sa Flora, Apayao ng mga ahente ng NBI kamakalawa.
Ayon naman kay Gatdula, sa salaysay ng babae ay batid nitong malapit na siyang manganak sa panahon na pauwi na siya mula Bahrain ngunit sinadya niyang tinago ang kanyang tiyan sa pamamagitan ng pagsusuot ng girdle. Posibleng ito umano ang dahilan kung kaya nagkaroon ng mga bukol sa ulo ang sanggol at may hematoma sa mata.
Ang di pinangalanang babae ay nasa 30 taong gulang na nagsabi ding pinauwi siya ng kaniyang amo mula sa Bahrain.
Nagsisisi na din umano ang babae sa ginawa sa anak at nais niya na rin ngayon na mabawi ang beybi.
Nanindigan naman si Gatdula na kahit na umamin na ang babae na siya ang ina ni George Francis ay kinakailangang hintayin muna ang resulta ng DNA.
Pinag-aaralan pa rin umano nila ang kaso na maaaring isampa laban rito dahil inaalam pa nila ang posibilidad na baka biktima ito ng pang-aabuso sa ibang bansa.
Kabilang din sa iimbestigahan ng NBI ay ang anggulo ng human trafficking kung kaya nais din nilang matunton ang employer ng babae sa Bahrain at ang naging recruiter nito.
Bukas ay nakatakda itong ilipat sa kustodiya ng DSWD kung saan naroon din si George Francis.
Una rito, isinailalim muna sa medical check-up sa PGH ang ina ni George Francis kung saan lumitaw na positibong kapapanganak pa lamang nito dahil sa maga pa ang matris at nagla-lactate o may gatas na lumalabas sa dibdib.