MANILA, Philippines - Muling hiniling ng mga magsasaka, mangingisda, at mga ordinaryong mamamayan sa dalawang distrito ng Laguna kay Pangulong Aquino na bigyan na ng “green light” ang nakabinbing P18.7-bilyong Laguna de Bay Rehabilitation Project.
Sa petisyong may petsang Setyembre 13, 2010, inulit nila ang pagpapahayag ng kanilang paniniwala na ang dredging ng 94,900-ektaryang lawa ay magiging kapaki-pakinabang sa kanila at sa 13 milyong taong nananahan sa paligid ng lawa at sa National Capital Region (NCR).
Binatikos nila si Sen. Franklin Drilon sa pagkwestyon sa proyekto, at idinahilang dahil ang pamahalaan ay nagbawas na ng capital investment sa imprastraktura pababa sa P12.8 bilyon, hindi na kailangang gumugol ng P18.7 bilyon para sa paghuhukay ng Laguna de Bay.
“Maaaring hindi nakita ni Drilon ang mga benepisyo ng proyekto sa kapaligiran at sa ekonomiya,” hinaing ng mga nagpepetisyon.
“Inuulit namin ang aming panawagan, Ginoong Pangulo: Kagyat na ipatupad ang nabinbing Laguna Lake Rehabilitation Project,” giit nila.
Bilang pagtatapos, sinabi ng mga nagpepetisyon na kaisa sila ng Pangulo sa pagsisikap para sa progreso at ligtas na kapaligiran.