MANILA, Philippines - Nagpalabas ang Quezon City government ng P2 milyong halaga ng pondo para sa City Health office upang magamit sa pagbili ng gamot at iba pang mga programa para labanan ang sakit na dengue sa lungsod.
Sinabi ni City Administrator Victor Endriga na bukod dito, mayroon anyang P10 milyong halaga ng pondo ang nailaan na ng lokal na pamahalaan sa pamunuan ng St. Lukes Hospital upang doon dadalhin ang ibang mga dengue patient. Libre anya ang pagpapagamot sa ospital na ito sa anumang uri ng sakit ng mga taga- QC bastat may reperal ng kanilang barangay chairman ng lunsod at ng Social Services Division ng QC government.
Sa kanyang panig, sinabi din ni Dra. Antonieta Enumerable, city health officer ng QC na disiplina lamang at paglilinis ng paligid ang susi upang mapigilan na ng tuluyan ang pag-usbong ng dengue.
Mula Enero ng taong ito hanggang September 4, 2010 may 1,776 kaso ng dengue sa QC na may 19.84 percent na taas kung ikukumpara noong taong 2009 ng kaparehong buwan. Sa ngayon 20 katao na ang namamatay dahil sa naturang sakit sa lungsod.