MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nalansag na ng hanay ng Philippine National Police (PNP) ang kilabot na hijacking syndicate na nag-ooperate sa Metro Manila at Central Luzon matapos na madakip ang lima sa mga miyembro nito kabilang ang kanilang lider sa may Angeles City.
Sa ulat na ipinarating kay PNP Chief, Director General Jesus A. Verzosa, ni PNP Highway Patrol Group Director, Chief Supt Leonardo A Espina, ang mga suspect ay tinaguriang “Gaza group” na responsable sa malawakang hijacking at highway robbery cases sa Metro Manila.
Kinilala ang mga suspect na sina Marlon Enriquez at Mario Tayao, mga residente sa Tondo, Manila; Diosdado Panlaqui at Aries Sapnu, mga taga Lubao, Pampanga; at Robert Ching Gaza alias Boy Intsik, ang sinasabing lider ng grupo.
Nadakip ang grupo habang magsasagawa na naman ng pag-atake sa Pampanga kung saan sila nasabat ng mga operatiba ng Highway Patrol Group-Special Operations Division, Regional Highway Patrol Unit 9, Angeles City Police Office at Pampanga Police Provincial Office.
Sakay ang mga suspect sa isang 4x4 Mitsubishi sports truck na may pekeng plaka na ZEE-888 at walang LTO validation sticker nang maispatan ng HPG operatives sa kahabaan ng National highway, Balibago, Angeles City.
Tinangka pa ni Gaza na tumakas, subalit agad itong nahabol ng mga operatiba at inaresto. Nakumpiska mula rito ang isang kalibre .45 pistola, isang .38 revolver, jackets at ballcaps na may tatak na “Police”.
Nabatid ng PNP na si Gaza ay nasangkot kamakailan sa dalawang pending cases ng hijacking na isinampa sa korte sa Parañaque at Caloocan.
Dagdag ni Espina, ang mga suspect ay positibong kinilala ng mga biktima at testigo na nasa likod ng tatlong insidente ng hijacking sa Metro Manila.