MANILA, Philippines - “I stand on these grounds again to give my final salute to this great institution that molded me into the person that I am now.”
Ito ang binigyang diin kahapon ni outgoing PNP Chief Director General Jesus Verzosa matapos bigyan ng testimonial parade sa Philippine Military Academy (PMA) sa Fort del Pilar, Baguio City kaugnay ng maaga nitong pagreretiro sa Setyembre 15.
Hindi man direktang tinukoy ni Verzosa, sa puso ng kaniyang mga mistah sa PMA Magilas Class ‘76 ay ang AUg. 23 hostage crisis o ang pumalpak na rescue operation ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Manila Police District na ikinasawi ng 8 Hong Kong tourists at ng hostage taker na si dating Sr. Inspector Rolando Mendoza ang maituturing na pinakamatinding pagsubok sa liderato ng top cop.
Si Verzosa ay binigyan ng parangal ng premyadong military institution sa pamumuno ni PMA Supt. Rear Admiral Leonardo Calderon at mga kadete. Dumalo rin sa okasyon ang misis ni Verzosa na si Cynthia, anak na si Eric at mga kaibigan, kamag-anak at mga mistah sa Class’76.
Ayon kay Verzosa, masaya na niyang lilisanin ang serbisyo bilang ika-15 PNP Chief dahil alam niyang ipagpapatuloy ng mga kadete ang mga iniwan niyang magagandang halimbawa sa pagsisilbi at pagbibigay proteksyon sa bayan.
Inamin ni Verzosa na sa loob ng kaniyang mahigit 35 taong serbisyo sa PNP ay apat na beses siyang nalagay sa ‘freezer’ pero apat na beses ring nabiyayaan ng promosyon sa katangi-tanging pagtupad sa tungkulin bilang isang mahusay na opisyal ng kapulisan.
Sa kaniyang huling utos, inatasan ni Verzosa ang mga kadete na tuparin, kilalanin at igalang ang Code ng PMA na “Courage, Integrity and Loyalty”.
Ikinatuwa naman ng ama ni Verzosa na si dating Army Colonel Pedro Verzosa, 79, at naabutan pa ang pagreretiro ng anak dahil muli na nila itong makakasama sa kanilang malawak na bukirin sa Pangasinan.
Ayon kay ex-Col. Verzosa, hindi naman talaga nais ng PNP Chief na pumasok noon sa PMA at katunayan ay nag-enroll na ito sa University of the Philippines sa kursong Mechanical Engineering.
Subalit dahil anya sa pangamba na mapabilang ang anak sa mga militante ay hinikayat itong pumasok na lamang sa PMA.