MANILA, Philippines - Nagkukulang na umano ang mga bum bero sa bansa dahil marami sa mga ito ay lumipat sa ibang trabaho na mas mataas ang suweldo at ang iba ay nag-early retirement.
Ayon kay Senator Miriam Defensor-Santiago, sa ngayon umano ay may 2,500 lamang na fire fighters para sa dalawang milyong mamamayan sa National Capital Region (NCR) gayong ang ratio dapat ay isang bumbero para sa 2,000 katao.
Sabi ni Santiago, kung kukuwentahin, umaabot sa 5,000 ang kulang ng bombero sa NCR.
Sa Quezon City lamang ay may 20 fire fighters ang naghain ng early retirement at sa NCR, 125 ang umalis sa serbisyo dahil sa early retirement ngayong 2010.
Inirereklamo rin umano ang napakababang suweldo na P12,000 kada buwan ng mga bagong bumbero o “early entry”, pero pagkatapos ng iba’t ibang kaltas kasama na ang buwis nasa P1,500 na lamang ang natitira.
Nagpahayag na rin nang pagkabahala si Senior Supt. Pablito Cordeta, NCR director ng Bureau of Fire Protection sa pag-aalisan ng kanilang mga tao sa ahensiya.
Dahil dito, iginiit ni Santiago sa DILG na nangangasiwa sa BFP na magsagawa ng imbestigasyon upang makapagpasa ng batas para matugunan ang pagkaubos ng mga bumbero sa bansa.