MANILA, Philippines - Umusad na kahapon sa Kamara ang pagdinig laban kay Chief Ombudsman Merceditas Gutierrez hinggil sa impeachment complaint na isinampa dito.
Sinang-ayunan ng may 31 kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mosyong inihain ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas matapos ideklarang sufficient in form ang reklamo kay Gutierrez samantala kinontra naman ito ng 9 kongresista.
Nagkaroon ng diskurso ng humirit si Iloilo Rep. Ferjenel Biron na mag-inhibit sa isinampang reklamo si House Committee on Justice chairman Neil Tupas Jr., kaya nagkaroon ng kaunting ‘delay’ sa usaping ito.
Sabi ni Biron sa harap ng pagdinig, na convicted ng Office of the Ombudsman ang tatay ni Rep. Tupas kaya malaking kwestiyon ito hinggil sa partiality sa nasabing usapin.
Gayunman, nakahanda naman busisiin ng komite sa susunod na pagdinig kung may ‘sufficient in substance’ ang reklamong pagpapatalsik kay Gutierrez.
Naghain ulit ng kaso sa pangalawang pagkakataon sa Kongreso ang impeachment complaint tungkol sa culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust at ang hindi pag-aksyon umano o pagbalewala sa anim na malalaking kaso na isinampa sa nasabing ahensiya.