MANILA, Philippines - Ang hindi umano maingat na pagkilos at kapabayaan ng mga opisyal ng local na pamahalaan ng Maynila at Manila Police District (MPD) ang dahilan kaya nagresulta sa pagkamatay ng 8 HK nationals ang naganap na madugong hostage taking sa Luneta grandstand.
Sa pahayag ni dating Manila mayor Lito Atienza, dapat naging maingat ang crisis management committee sa paghawak ng sitwasyon at nararapat din na si Mayor Alfredo Lim ang nangunguna sa ganitong uri ng sitwasyon lalo na at dati rin itong beteranong opisyal ng MPD.
Bunsod dito, nananawagan ang dating alkalde kay PNP Chief Director Gen. Jesus Versoza na sibakin sa puwesto si MPD Chief Rodolfo Magtibay at Supt. Nelson Yabut dahil na rin sa “mishandling” sa sitwasyon na nagdulot ng malaking kahihiyan sa Pilipinas matapos na mapanood ng mundo kung gaano kapalpak ang kapulisan at lokal na pamahalaan ng Maynila.
Giit pa ni Atienza na dapat ding managot si Lim dahil sa kawalan nito ng direct supervision habang nagaganap ang hostage taking. Kinuwestiyon din nito kung bakit ipinaubaya ni Lim kay Vice Mayor Isko Moreno ang negosasyon gayung hindi naman ito eksperyensado.
Paliwanag ni Atienza noong Marso 2007 kung saan siya pa ang Alkalde ng Maynila, hinostage din ni Jun Ducat ng halos 10 oras ang isang bus kung saan sakay ang mga batang estudyante subalit natapos ng mapayapa ang hostage taking matapos itong sumurender.