MANILA, Philippines - Nagwakas ang mahigit 10 oras na hostage-taking na isinagawa ng isang sinibak na pulis matapos mapatay ito ng mga awtoridad habang 10 sa 21 mga hostages din nito ang nasawi kagabi sa Quirino grandstand, Maynila.
Ayon kay MPD director Chief Supt. Rodolfo Magtibay, ang hostage-taker ay nakilalang si dating Sr. Insp. Rolando Mendoza, dating nakatalaga sa District Mobile Police Unit ng MPD. Napatay din ito sa ginawang pag-atake ng mga awtoridad kagabi.
Sinabi ng nakatakas na bus driver, nakatakas lamang siya ng makalas ang posas na nakatali sa manibela ng bus bandang alas-7:30 kagabi at tumalon.
Sinimulang umatake ang MPD-SWAT team sa pamumuno ni Sr. Supt. Nelson Yabut sa hinostage na bus ni Mendoza matapos sabihin ng driver na patay na ang lahat ng sakay nito.
Isinagawa ni Mendoza ang hostage sa Hong Thai travel tourist bus bandang alas-10:15 ng umaga kahapon habang nakasuot ito ng full-battle gear at armado ng armalite riffle at iba pang armas.
Matapos ang may 10 oras na hostage-taking ay umaabot lamang sa 9 na hostages ang pinalaya kabilang ang 3 Pinoy at 6 na HK nationals.
Ang mga pinalaya ay sina Li Fung Kwan, Tsang Yee Lai, 4-taong gulang na si Fu Chung Yin, 10-taong gulang na si Fu Chak Yin, Wong Ching Yat Jason na 11-year old at ang 73-anyos na si Li Yick Biu. Pinalaya din ang Pinoy photograher na si Rigon Cruz.
Dumating din sa hostage-taking site ang maybahay nitong si Aurora at kapatid na si SPO2 Gregorio Mendoza.
Umapela si Mendoza sa pamamagitan ng idinidikit nitong papel sa bintana ng bus ang kanyang mga hinaing at apela kabilang ang re-instatement niya sa pulisya at pagbasura ng kaso niya sa Ombudsman.
Biglang nagwala naman si Mendoza ng mapanood nito sa telebisyon sa loob ng bus na hinuli ng mga pulis ang kanyang kapatid na si SPO2 Gregorio Mendoza dahil sa pag-aakalang kasabwat din ito sa hostage-taking.
Ayon sa driver, nagpaputok ng sunud-sunod ang nagwawalang pulis at pinagbabaril ang mga pasahero niyang turista kaya pinatakbo niya ang bus upang makalas ang posas hanggang sa makatalon siya ng bus.
Nang atakihin ng SWAT team ang bus ay nanlalaban pa rin ang pulis na armado ng matataas na kalibre ng baril. Isa sa mga SWAT team ang nabaril ng hostage-taker habang may iniulat na nasugatang sibilyan ng magpaputok ito ng rapid fire subalit napatay din ito ng mga awtoridad.
Hinagisan ng tear gas ang loob ng bus hanggang sa mapilitang sumungaw sa bintana si Mendoza upang maghilamos ng tubig-ulan hanggang sa paputukan siya ng sniper ng MPD.
Nang matiyak na patay na ito, ay pinasok ng mga pulis ang bus hanggang sa 10 ang nakumpirmang turista ang napatay habang sugatan naman ang ilan at ang iba ay nakaligtas. Dinala sa pinaka-malapit na ospital ang mga sugatang bitkima kung saan ang iba sa mga ito ay nasawi habang ginagamot dahil sa tinamong tama ng bala.