MANILA, Philippines - Nakaamba ang isang legal battle sa pagitan ng lungsod ng Maynila at International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) kaugnay ng kontrobersyal na P2.8 bilyong “secret reclamation” sa Isla Puting Bato, Tondo, Manila.
Ayon kay Vice Mayor Isko Moreno, inihahanda na ang sandamakmak na kaso laban sa mga opisyal ng ICTSI at sa kontratista ng proyekto, ang Hanjin Construction. Kasama na rito ang pagkumpiska sa 12-ektaryang reclaimed land na ayon kay Moreno ay “illegal.”
Wala umanong permiso at hindi alam ng pamahalaang lungsod ang ginawang reclamation sa bahagi ng Manila Bay.
“Either they (ICTSI/Hanjin) are grossly ignorant of the (pertinent) laws or simply arrogant. ‘Yun bang wala silang paki alam sa awtoridad ng pamahalaang lungsod at lokal na konseho ng Maynila,” galit na pahayag ni Moreno.
Si Moreno, na lumaki sa hirap sa lugar ng Isla Puting Bato, ang mismong nakadiskubre sa proyekto ng mapadalaw ito noong nakaraang Pebrero at mapansin ang ginawang pagbabakod ng ICTSI sa malawak na bahagi ng Manila Bay.
“Mayroon na palang ‘independent republic of ICTSI’ sa sentro ng Maynila ng hindi namin nalalaman; hindi puwede yan,” diin pa nito.
Bilang vice mayor, si Moreno rin ang presiding officer ng Konseho ng Maynila.
“Ayon sa mga kababayan ko dito, 2008 pa binakuran at sinimulan ang proyekto pero kami sa local government, wala kaming kaalam-alam,” nanggigil na banggit pa ng bise alkalde.
Nagbanta pa si Moreno na bukod sa ‘closure order,’ posible rin nilang irekomenda kay Manila Mayor Alfredo Lim na bawiin ng lungsod ang naturang lupain.
“Walang titulo ‘yan, that is considered now a part of the public domain which the local government can appropriate for its own needs,” paliwanag pa nito.
Sa ipinatawag na pagdinig ng konseho, ikinatwiran ng ICTSI na hindi na “kailangan” ang permiso ng lokal na pamahalaan dahil sakop umano ito ng awtoridad ng Philippine Ports Authority (PPA).
Ang ICTSI ay kumpanyang pag-aari ng pamilya Razon na kilalang kaalyado ng nakaraang administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo. Ang ICTSI rin ang private operator ng Manila International Container Port (MICP), malapit sa kontrobersiyal na reclamation project.
Bagaman 2008 pa nasimulan ang reclamation project, ngayong taon lang umano naisipan ng Hanjin na kumuha ng business permit sa Maynila kung saan nagbayad ito ng P47,000 buwis sa dineklara nitong kapital na P5 milyon.
“Kundi ba naman kami (Manila city officials) gustong ‘goyoin’ ng mga ito, paano nangyari na ang isang kumpanya na may dineklarang P5 milyon kapital ay nakagawa ng proyektong ginastusan daw ng P2.8 bilyon,” tanong pa ni Moreno.
Aniya pa, kahit piso ay wala pa ring binayaran na contractor’s tax ang ICTSI na aabot sa P21 milyon.