MANILA, Philippines - Naalarma na kahapon ang mga nagpakilalang junior officers ng Armed Forces of the Philippines kaugnay ng pagbubulgar ng na-demote na si outgoing AFP-National Capital Region Command Chief Rear Admiral Feliciano Angue hinggil sa binaluktot na sistema ng promosyon sa hanay ng mga opisyal ng militar.
Sa isang press statement, sinabi ng mga ito na lubhang nakakabahala at hindi makabubuti sa organisasyon ang palakasan system.
Nag-umpisa ang lahat sa pag-alis sa serbisyo nina dating AFP Chief of Staff ret. Gen. Delfin Bangit, dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief ret. Major Gen. Romeo Prestoza; pawang mistah ni Angue sa PMA Class 78.
“Ang mga ganitong posisyon ay nauunawaan natin na talagang piling-pili ng nakaupong gobyerno. Ngunit, ang mahirap matanggap ay ang mga sumunod na pag-upo ng ilang matataas na opisyal na sinamantala ang kanilang pagiging malapit sa kasalukuyang administrasyon,” anang mga nagpakilalang junior officers ng Philippine Marines, Philippine Navy, Philippine Army at Philippine Air Force na apektado na umano ng kasalukuyang sistema na isinaad ng mga ito sa ipinakalat na manifesto sa mga kampo ng militar.
Tinukoy ng mga ito si Major Gen. Gaudencio Pangilinan na bagaman hindi nakapagsilbi bilang Division Commander ay inirekomenda at pinahintulutan pa umano ni Defense Chief Voltaire Gazmin na maging AFP-Northern Luzon Command Commander.
Ang hepe naman umano ng ISAFP na si Brig. Gen. Romulo Bambao, ni minsan ay hindi nagsilbi sa nasabing intelligence unit ng AFP.