MANILA, Philippines - Nagpalabas ng desisyon ang Commission on Elections (Comelec) 1st Division na pumapabor sa pag-upo ng LPG Marketers Association (LPGMA) partylist habang ibinasura ang disqualification petition.
Sa 6-na pahinang resolusyon na may botong 2-1, ibinasura ang petition for cancellation of registration ng LPGMA dahil sa kawalan ng merito.
Ang pumabor sa pag-upo ng LPGMA Partylist ay sina Commissioners Gregorio Larrazabal at Armando Velasco habang tumutol naman si Presiding Comm. Rene Sarmiento.
Hindi kinagat ng Comelec ang inihaing reklamo nina Antonio Dayao, Rolando Ramirez at Adelio Capco na hindi isang marginalized partylist group ang LPGMA.
Bigo umano ang mga complainant na mag-cite ng anumang ‘grounds’ na basehan upang madiskwalipika ang LPGMA.
Sakalling mag-isyu na ang Comelec en banc ng Certificate of Proclamation pabor sa LPGMA, ang first seat ay ibibigay sa pangulo nitong si Arnel Ty.