42 runaway OFWs sa Bahrain, nakauwi na

MANILA, Philippines - May 42 Overseas Filipino workers (OFW’s) na nagipit bunga ng pagmamaltrato at pang-aabuso ng kani-kanilang employer sa Bahrain ang nakauwi na sa bansa kahapon ng umaga.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang 42 OFWs ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng Gulf Air flight GF-154.

Pinangunahan ng mga kinatawan ng DFA at OWWA Administrator Carmelita S. Dimzon ang repatriation team kasama ang pamilya ng mga manggagawa sa pagsalubong sa mga OFWs sa NAIA Terminal 1.

Nabatid na inako ng OWWA at Department of Foreign Affairs ang gastusin sa pagpapauwi sa mga Pinoy workers mula Bahrain.

Sa loob ng tatlong linggo, umaabot sa 400 distressed OFW’s ang nakauwi sa bansa kaugnay na rin sa direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III sa ilalim ng repatriation program ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz.

Show comments