'Ester' umalis na - PAGASA

MANILA, Philippines - Lumabas na ng bansa kahapon ang bagyong “Ester” at ito ay patungo na ng Japan.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pasado alas-10:30 ng umaga nang umalis si Ester matapos na mamataan ang sentro ng bagyo 340 kilometro sa northeast ng Basco Batanes na may taglay na hanging 55 kilometro bawat oras. Ito’y kumikilos sa north-northeast sa bilis na 17 km kada oras.

Inaasahang si Ester ay nasa 680 kilometro ng north-northeast ng Basco, Batanes o 90 kilometro sa soutwest ng Okinawa Japan Lunes ng umaga.

Nakataas pa rin ang signal no. 1 sa Batanes group of islands, Babuyan Island at ang Calayan Islands.

Sinasabing bagama’t nakalayo na si Ester ay magkakaroon pa umano ng pag-unlan sa iba’t-ibang lugar sa Luzon at Visayas lalo na sa gabi sanhi ng mga namumuong kaulapan at hanging amihan na taglay ng nasabing bagyo.

Pinag-iingat din ang mga naninirahan sa mababang lugar na nasa paanan ng bundok na tinamaan ng signal no. 1 gayundin sa Luzon at Visayas na maging alerto dahil posibleng magkaroon ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.

Show comments