MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni Justice Secretay Leila de Lima si dating Supt. Glen Dumlao na magsampa ng kaso laban sa piskal na inakusahan nito na umano’y namilit sa kanya upang idawit si Sen. Panfilo Lacson sa Dacer-Corbito double murder case.
Ayon sa Kalihim, pinag-aaralan na nila na sampahan ng kasong libelo si Dumlao dahil sa mapanirang pahayag nito sa media na pinilit lamang siya ni State Prosecutor Hazel Valdez na idawit sa kaso si Lacson.
Sa ngayon tanging kasong libelo lamang ang nakikita nilang maaring isampang kaso kay Dumlao dahil sa pag-aakusa nito.
Dagdag pa ni de Lima, matapos na alisin ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang pangalan ni Dumlao sa listahan ng mga akusado ay saka nito aakusahan ang government prosecution na pinilit lamang siya upang idiin si Lacson sa kaso.
Sinabi pa ni Dumlao na hindi lamang siya makatanggi dahil noon ay nagtatago siya sa US at dahil sa panggigipit ng Arroyo administration.