MANILA, Philippines - Sinibak kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino si PAGASA Chief Prisco Nilo dahil sa sablay nitong forecast sa magkasunod na bagyong dumating sa bansa kamakailan.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang informal dialogue sa Malacanang Press Corps, mali-mali ang mga forecast ni Nilo tulad sa bagyong Basyang at Domeng.
Magugunita na sinabon ni P-Noy si Nilo dahil sa palpak nitong weather bulletin kaugnay ng bagyong Basyang na hindi na-forecast ng PAGASA na sa Metro Manila pala mananalasa noong Hulyo 15.
Nagalit si P-Noy kay Nilo dahil sa mabagal nitong pagbibigay babala sa taumbayan kaugnay sa pagdating ni Basyang.
Ikinatwiran ni Nilo na ang kapasidad lamang ng PAGASA ay tuwing ika-anim na oras subalit hindi ito naging katanggap-tangap sa Pangulo.
Sa kaso ni Domeng, taliwas sa forecast ng PAGASA, hindi nagparamdam ang bagyo sa maraming bahagi ng northern Luzon sa kabila na nagtaas ng storm signals dito dahilan para muling kuwestiyunin ang ahensiya kung ano ba ang naging basehan nito para tawaging tropical storm si Domeng.
Ipinaubaya na lang ni P-Noy kay DOST Sec. Mario Montejo ang paghahayag ng magiging kapalit ni Nilo.
Inanunsiyo naman ni Sec. Montejo na si Usec. Graciano Yumul ang itinalagang officer-in-charge ng PAGASA. Ibinalik naman sa DOST bilang undersecretary si Nilo.