MANILA, Philippines – Binuwag ng Department of Justice (DOJ) ang Migration Compliance and Monitoring Group (MCMG) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasabay ng panibagong major revamp sa Bureau of Immigration (BI) personnel.
Sinabi ni BI Officer in Charge Ronaldo Ledesma sa media briefing, sa pagbuwag sa MCMG pinalitan ito ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) na siyang mahigpit na susuri sa mga dokumento ng mga papasok at papalabas na biyahero.
Itinalaga bilang TCEU Over all team leader si Benito Se kabilang sa Team leaders Norberto Quedado sa NAIA 1, Francis Dennis Robles sa NAIA 2 at Cecille Jonathan Orozco sa NAIA 3.
Matatandaan na nauna nang sinibak ni Ledesma base na rin sa kautusan ni Undersecretary Jose Vicente Salazar na siyang chairman ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at Undersecretary in charge sa BI si Ferdinand Sampol, Chief ng Airport Operations Division (AOD) at pinalitan ni Atty. Arvin Cesar Santos.
Ang balasahan sa NAIA ay naunang ipinag utos ni Justice Secretary Leila de LIma upang tuluyang mapuksa ang human trafficking activities sa bansa kung saan ginagamit ang mga pangunahing paliparan sa bansa.
Sinabi rin ni Ledesma na magsasampa sila ng kasong administratibo sa mga BI at NAIA personnel sa sandaling mapatunayang sangkot ang mga ito sa human trafficking.
Nilinaw pa ni Ledesma na kaya binuwag ang MCMG ay dahil sa ginagamit umano ito sa human trafficking activities na nagtutugma naman sa pahayag ni whistle blower na si Rachelle Ong.