MANILA, Philippines - Nilagdaan na kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino ang Executive Order No. 1 na nagtatatag sa Truth Commission.
Layunin nitong imbestigahan ang mga umano’y katiwalian sa nakalipas na gobyerno at magbigay ng rekomendasyon kung dapat bang kasuhan ang mga sangkot dito.
Nakasaad sa EO na may dalawang taon ang komisyon para tukuyin ang mga dawit sa katiwalian at posibleng makasama sa isu-subpoena si dating pangulong Gloria Arroyo.
Ayon naman kay Justice Secretary Leila de Lima, pawang rekomendasyon lang ang ilalabas ng Truth Commission para imbestigahan ang mga anomalya sa ilalim ng 9 taong pamumuno ni Arroyo.
Nasa kamay pa rin umano ng Ombudsman kung saan ipapasa ang desisyon ng komisyon.
Inamin naman ni de Lima, bagama’t walang contempt power ang komisyon ay puwedeng patawan ng administrative sanction ang mga government officials na hindi makikipagtulungan sa komisyon habang ang mga private individual naman ay puwedeng patawan ng kaso sa karampatang korte.
Sinabi din ni de Lima, hindi maiiwasan na magkaroon ng duplication ang gagawin ng komisyon sa mga investigating bodies na naunang nagsasagawa ng imbestigasyon tulad ng korte subalit sisikaping maging ‘minimal’ ito.
Ang Truth Commission ay pamumunuan ni dating Chief Justice Hilario Davide at apat na miyembro na itatalaga ni Pangulong Aquino.