MANILA, Philippines - Inaanyayahan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente ng lungsod na dumalo sa gaganaping mega job fair na naglalayong mabigyan ng hanapbuhay ang mga naghahanap ng mapapasukang trabaho.
Ayon kay Echiverri, magaganap ang mega job fair sa Rizal Plaza ng Caloocan City Hall na matatagpuan sa A. Mabini St., Caloocan City na sisimulan dakong 8:00 ng umaga at magtatapos bandang 4:00 ng hapon sa July 29 ng kasalukuyang taon.
Ang gaganaping job fair ay may temang “Bagong Sigla, Tuloy-Tuloy na Pag-Asa, Trabahong Handog ni Mayor Recom” kung saan ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga residente na makakuha ng trabaho hindi lamang sa lungsod kundi maging sa ibang bansa.
Katuwang ng lokal na pamahalaan sa programang ito ay ang Department of Labor and Employment (DOLE)-CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) at ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
Sinabi ng alkalde na ang gaganaping mega job fair ay isang paraan ng patulong sa mga residente na naghahanap ng kanilang pagkakakitaan na hindi na kailangan pang magtungo sa malalayong lugar para lamang makakita ng trabaho.