MANILA, Philippines - Pabor si Senator Jose “Jinggoy” Estrada na ipamigay na sa mga mahihirap ang mga sobra-sobrang bigas na nasa National Food Authority (NFA) upang hindi mabulok.
Naniniwala si Estrada na marami ang makikinabang sa mga sinasabing sobrang bigas na ang iba ay nabubulok na.
Iginiit pa ni Estrada na dapat nang magbuo ng programa ang gobyerno kung paano ipapamahagi ang bigas lalo na sa mga pinakamahihirap na probinsiya ng bansa.
“Ipamahagi sa mahirap kaysa mabulok. Dapat magplano yung gobyerno na to na ibigay lang sa mahihirap yun lalong-lalo na sa pinakamahihirap na probinsiya,” sabi ni Estrada.
Hindi aniya ilegal kung ipapamahagi ang bigas sa mga mahihirap dahil nabili na naman ito ng gobyerno at pera ng pamahalaan ang ginastos dito.
Mas kasalanan aniya sa Diyos kung pababayaan na lamang ng pamahalaan na mabulok ang mga sobrang bigas na inangkat noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Idinagdag pa ni Estrada na dapat tanungin din ang dating hepe ng NFA kaugnay sa sinasabing sobrang importasyon ng bigas.