MANILA, Philippines - Wala umanong interes si Pangulong Noynoy Aquino sa panukalang pagbuo ng tinatawag na “superbody” para sa mga extra judicial, media at political killings sa bansa.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima, hindi umano intresado ang Pangulo sa nasabing mungkahi dahil mas intresado umano ito sa mahigpit na pagpapatupad na lamang ng batas kaysa sa pagbuo ng mga task forces.
Ayon sa kalihim, naniniwala si Aquino na wala ring magagawa ang isang task force at walang maihaharap na resulta kung mahina ang mga prosecutors, pulis at sundalo.
Ang nasabing isyu ng mga pagpatay, ayon kay de Lima ay bahagi ng State of the Nation Address ng Pangulo bukas.
Maliban dito, babanggitin din umano ni Aquino ang mabagal na pag-usad ng hustisya sa bansa at kung paano ito maresolba.
“Si President Noynoy nga is not really particular of the form of that body or the mechanism that will address extra legal killings, ang importante sa kanya ay may resulta,” ayon sa Kalihim.
Kasi, kahit may task force diyan o anumang body, whether it’s a super body or what, kung hindi naman nabi-beef up iyong capacities and resources ng mga premier law enforcement agencies natin like the PNP and the NBI,wala, what can a task force do,” ayon pa kay de Lima.