MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay sa posibleng pagkalat ng ibat-ibang sakit dahil sa kakulangan ng tubig.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, Program Manager ng DOH-Emerging and Re-Emerging Infectious Diseases, kabilang sa posibleng kumakalat na sakit dahil sa kakulangan ng tubig ay sakit sa balat, dehydration, LBM at gastro intestinal disease.
Paliwanag ni Suy, ito ay dahil nire-recycle na lamang kasi ang tubig subalit sa mali namang pamamaraan kayat magdudulot umano ito ng mas malaking problema.
Dahil dito kayat pinayuhan ng DOH ang publiko na kung hindi tiyak na malinis ang inuming tubig ay mas mabuting pakuluan muna ito lalo na kung mga bata ang gagamit.
Ipinaliwanag ni Leesuy na kapag limitado lamang ang suplay ng tubig ay kadalasang hindi nalilinis ng mabuti ang mga kagamitang pangkusina tulad ng mga plato, kutsara at tinidor at iba pa na nagiging sanhi ng sakit na diarrhea.
Nagbabala din si Leesuy sa posibilidad na ma-trigger din ng kakulangan ng tubig ang pagtaas ng mga kaso ng Influenza A H1N1 virus.
Nilinaw naman nito na wala naman silang nakikitang posibilidad na magkaroon ng outbreak.