SONA ni P-Noy tatapatan ng militante: P125 umento igigiit

MANILA, Philippines - Igigiit ng militanteng grupo kay Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapatupad ng P125-across the board salary increase at sasabayan nito ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa July 26 ng protesta.

Sinabi ni Bagong Al­yan­sang Makabayan (Bayan) secretary-general Renato Reyes Jr., pakikinggan din nila ang SONA ni P-Noy upang malaman nila ang nilalaman nito at upang maihayag ang kanilang pagsusuri dito.

“Meron din po ka­ming SONA. Bahagi yan ng pagpapahayag ng kababayan natin. Pero makikinig kami sa SONA ng Pangulo, gusto naming pakinggan ang sasabihin ng Pangulo sa problema ng taumbayan para masukat natin,” wika pa ni Reyes.

Aniya, magsusumite ang Bayan ng kanilang talaan ng mga isyu at demands kay Pangulong Aquino na maaaring isama niya sa kanyang SONA.

Partikular na igigiit ng grupo ang P125-across the board wage hike, dagdag na budget para sa social services tulad ng usapin sa health, education at tunay na reporma sa lupa.

Kabilang din sa ka­ni­lang ihahain sa Pangulo ang pagtutol sa RP-US Visiting Forces Agreement at ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).

Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na naghahanda na ang Pangulo sa kanyang SONA at pupulungin niya ngayon ang kanyang Gabinete para sa assessment nila sa kanilang mga tanggapan. (With reports from Rudy Andal)

Show comments