MANILA, Philippines – Isang Pinay engineer ang kabilang sa 30 katao na kumpirmadong nasawi sa isang sunog sa isang 5-storey hotel sa northern Iraq noong Huwebes.
Kinilala ng Department of Foreign Affairs ang biktima na si Maricar Cente, isang empleyado ng Asiacell Mobile Company na nakabase sa Sulaimania City sa Kurdish region sa Iraq.
Ayon kay Ed Malaya, tagapagsalita ng DFA, dalawa pang OFW na sina Joshua Ermitano at Richie Salceda ang nakaligtas sa sunog, Si Ermitano ay nabalian ng hita at nakaratay pa sa ospital habang pinalabas na sa pagamutan si Salceda na bahagyang napaso ang katawan.
Bukod sa Pinay, tatlo pang engineer ang nasawi na mula sa Iraq, Sri Lanka at Cambodia na nagtatrabaho sa isang oil company. Kabilang din sa 14 dayuhan na nasawi ay nagmula sa Bangladesh, Ethiopia, Canada, Ecuador, Venezuela at China na naka-check-in sa nasunog na Soma Hotel.
Karamihan sa mga biktima ay napilitang tumalon sa nasabing limang palapag na gusali upang makaiwas sa naglalagablab na apoy subalit tatlo sa kanila ang minalas na masawi bunga ng pagkadurog ng kanilang katawan sa matinding pagbagsak sa lupa.
May apat pang mga bata ang nalitson sa sunog na nagsimula sa katabing furniture shop.