MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng pamilya ng tatlong overseas Filipino workers na nahatulan ng bitay dahil sa umano’y pagpatay sa kapwa manggagawang Pinoy kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na sagipin sila sa tiyak na kamatayan sa Saudi Arabia.
Nakaapela na sa mataas na hukuman ng Saudi ang kaso ng mga convicted OFWs na sina Paul Miquiabas, Victorino Gaspar Jr. at Edgardo Genetiano.
Ang tatlo na hinatulan ng parusang kamatayaan noong Hunyo 5, 2010 ay inakusahang pumatay sa kapwa OFW na si Rey Dimaculangan noong Abril 15, 2008.
Si Dimaculangan ay natagpuang tadtad ng saksak sa katawan sa loob ng kanyang tirahan. Ang tatlong Pinoy ang dinampot ng Saudi Police at itinuturong may kagagawan sa krimen.
Iginiit ng tatlong OFWs na inosente sila sa ibinibintang sa kanilang kasalanan.
Sa isang panayam ng ABS-CBN News sa Saudi sa tatlong OFW, nananawagan sila kay P-Noy na iligtas sila sa bitay at iginiit na wala silang nalalaman sa krimen.
Kaugnay sa kaso ng tatlong OFW, kumilos na rin ang Embahada ng Pilipinas sa Saudi upang mabigyan ng tulong legal ang mga akusado na kasalukuyang nakapiit sa Saudi Jail.