MANILA, Philippines - Lumutang ang scenario na mas pagkakatiwalaan ni Pangulong Aquino sa pag-iimbestiga ng mga katiwaliang nangyari noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang bubuuin nitong Truth Commission kaysa sa Office of the Ombudsman na pinamumunuan ni Merceditas Gutierrez.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, magiging trabaho ng Truth Commission ang tingnan ang mga suggestions na dapat ay plunder at hindi ordinaryong graft at malversation ng pondo na kapwa puwedeng magpiyansa ang isinampa kina Jocjoc Bolante at dating Agriculture Secretary Luis “Cito” Lorenzo Jr.
Ipinahiwatig ni Lacierda na magiging trabaho rin ng komisyon ang silipin kung anong mga kaso ang dapat isasampa sa mga mapapatunayang sangkot sa katiwalian.
Matatandaan na kabilang si Pangulong Aquino sa mga hindi kumpiyansa sa ginagawa ng Ombudsman dahil mas pinili nitong upuan ang mga kasong katiwalian na kinasangkutan ng pamilya ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Samantala, inihayag ni National Association of Lawyers for Justice and Peace (NALJP) Chairman Atty. Jesus I. Santos na ayon sa legal research ng kanilang grupo, lalabagin ng Truth Commission ang pantay na pagbibigay proteksiyon ng batas sa lahat.
Niliwanag ni Santos na lalabagin ng Commission ang isinasaad ng Konstitusyon na lahat ng tao ay itinuturing na inosente hanggang sa mapatunayang nagkasala.
Hindi rin anya maaaring palitan ng Truth Commission ang Office of the Ombudsman sa tungkuling iniatas dito ng Konstitusyon na siyasatin at kung kinakailangan ay usigin ang mga public officials sa mga ginawa nila sa pagtupad ng kanilang mga trabaho. (Malou Escudero/Butch Quejada)