MANILA, Philippines - Dahilan sa umano’y bulok na sistema sa lumalalang favoritism sa promosyon sa AFP, hinamon ng isang 2-star rank na heneral ng manu-manong suntukan ala-Pacman ang kapwa nito heneral na sobra umanong intrigero.
Ayon sa heneral na tinaguriang body builder ng kaniyang mga mistah sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1978, grabe na umano ang ginagawang panunulsol at paninira ng nasabi ring 2-star na kapwa niya heneral kaya hinahamon niya ito kahit limang minuto lang ng boxing ala “Ultimate Fighting Championship”.
“Hindi naman siya puwede ng barilan sa akin dahil baka ubos ko na ang isang magazine ko hindi pa siya nakakabunot,” anang nagpupuyos sa galit na nasabing opisyal.
Ayon sa opisyal, grabe umanong ‘backfighter’ at matindi ang panunulsol sa Palasyo ng nasabing opisyal na na-promote at nabigyan ng magandang posisyon dahil sa sobra raw itong sipsip kay Defense Secretary Voltaire Gazmin at mismong sa Malacanang.
Sinabi ng opisyal na hindi dapat na maging bulag sa umiiral ngayong matinding demoralisasyon sa hanay ng AFP ang Palasyo dahil hindi biro ang epektong idinudulot nito sa mga katulad nilang “career officer”.
Ang nasabing opisyal na dapat sanang sa 2010 pa magreretiro sa serbisyo ay balak ilagay sa floating status matapos ang napipintong pagsibak rito sa puwesto.
Nauna ng inamin ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na sinuportahan sila ng mayorya ng Philippine Military Academy Class 1977 sa katatapos na halalan.
Ayon pa rito, naging neutral siya sa nakalipas na eleksyon dahilan ‘apolitical’ dapat ang pairalin pero ang kapalit ay ang pagsibak sa puwesto habang ang mga namulitika ay lumalabas na mabibigyan ng promosyon. (Joy Cantos/with trainees Mary Ann Chua, Mary Joy Mondero /Rafael Zapanta)