5 Pinoy todas sa aksidente sa Saudi!

MANILA, Philippines - Masaklap ang sinapit ng apat na miyembro ng isang pamilya kabilang ang isang paslit at kanilang driver na nakatakda nang umuwi sa Pilipinas nang bumangga ang kanilang sinasakyan habang bumibiyahe patungo sa airport sa isang madilim na bahagi ng highway sa Al-Hassa sa Kingdom of Saudi Arabia.

Sa report na tinanggap ng Department of Foreign Affairs kahapon, kinilala ang mga biktima na pawang tubong Kidapawan, North Cotabato na sina Robert Demetrio, nagtatrabaho sa Al-Hassa; asawang si Elizabeth, isang guro at anak na si Joyce, nurse sa National Guard Hospital sa Hofuf at apong si Hope, 5-anyos. Minalas ding masawi ang Pinoy driver ng pamilya Demetrio na si Gener de Java.

Isang kasamahan ng pamilya Demetrio na si Pedro de Castro Ibañez ang nag-iisang nakaligtas sa trahedya.

Ang mga biktima ay patungo na sa paliparan sa Saudi pauwi sa Pilipinas upang magbakasyon nang maganap ang insidente noong Miyerkules.

Kasalukuyang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Saudi Police upang matukoy ang sanhi ng grabeng aksidente.

Inatasan na ng DFA ang Embahada na makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa pagpapauwi sa mga labi ng mga biktima.

Show comments