MANILA, Philippines - Walang planong sibakin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang mga chefs, cooks at waiters ng Malacañang.
Ito ang binigyang-diin ng source sa Palasyo kaugnay sa magiging kapalaran ng mga chefs, cooks at waiters na pawang empleyado ng Internal House Affairs Office (IHAO).
Ayon sa source, hindi na tatanggalin ng Pangulo ang nasabing mga empleyado na siyang nagluluto at naghahanda sa ginaganap na mga events sa Palasyo.
“Naawa si Pangulong Noynoy ng malaman na may edad na at mahihirapan ng makakuha ng trabaho ang mga cooks, chefs at waiters ng Palasyo kapag sinibak niya ang mga ito kaya mananatili sila sa Malacañang,” paliwanag pa ng source.
Magugunita na umapela ang mga chefs, cooks at waiters ng Palasyo kay P-Noy na huwag silang sibakin dahil hindi na sila makakahanap ng trabaho dahil sa kanilang mga edad.