MANILA, Philippines - Nais ng isang anti-plunder group na maalis sa listahan ng mga nominado sa pagka-mahistrado ng Korte Suprema si Court of Appeals Associate (CA) Justice Noel Tijam.
Ayon sa Group Against Plunder (GAP) sa pangunguna ni Allan Ramos Pojas, nagpakita na umano ng hindi parehas na pagtrato si Justice Tijam dahil sa tila pagbalewala nito sa Deed of Assignment/Conveyance ng Asset Pool ng Smokey Mountain Development and Reclamation Project na dapat ay nasa kapangyarihan ng Home Guaranty Corporation (HGC) para lamang paboran ang R-II Builders na pag-aari ni Reghis Romero.
Si Pojas ay naunang nagharap ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal ng National Housing Authority, HGC at R-II Builders kaugnay ng maeskandalong P6 bilyong Smokey Mountain project.
Sinabi ni Pojas na malaking kuwestiyon ang pagkakasama ng pangalan ni Tijam sa mga nominado dahil sa kawalan umano nito ng kakayahan na maging objective sa mga isyung lumalapag sa kanyang sala bilang dating presiding justice ng Special 15th Division ng CA.
Naniniwala ang GAP na malaking latay sa justice system kung maikukunsidera ng Judicial and Bar Council (JBC) ang nominasyon ni Tijam sa posisyong binakante ni Chief Justice Renato Corona.
Kaugnay nito, nanawagan ang GAP sa JBC at kay Pangulong Noynoy Aquino na ngayon pa lamang ay alisin na sa listahan ng 28 nominado si Tijam upang matiyak na magiging malinis ang proseso ng pagpili sa mahistrado ng Korte Suprema.