Dahil sa puyat at brownout, P-Noy na-late sa 'Red Mass'

MANILA, Philippines - Na-late na naman si Pangulong Aquino sa kanyang unang schedule kahapon para dumalo sa misang alay sa kanya ng mga obispo sa Manila Cathedral.

Nabatid na hatinggabi na nakauwi si Pangulong Aquino mula sa Liberal Party seminar sa Tagaytay City kaya napuyat at nagkataong brownout pa sa tahanan nito sa Times Street sa Quezon City, kaya’t hindi umano ito kaagad nakatulog.

Kinailangan pa rin umano nitong magbasa ng ilang importanteng dokumento sanhi upang mahirapan itong gumising at 9:30 na ng umaga nang makaalis ng kaniyang tahanan para dumalo sa “Red Mass”.

Bandang alas-10 na ng umaga nang dumating ang Pangulo sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila at malapit nang matapos ang homiliya ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, na siyang nanguna sa Misa.

Kahit kasi late na, pinanindigan pa rin ng Pangulo ang kaniyang posisyon na kontra sa paggamit ng “wang-wang.”

Unang itinakda ang pagdaraos ng Red Mass dakong 9:00 ng umaga para hintayin sana ang pagdating ng Pangulo, ngunit pagsapit ng 9:30 ng umaga ay nagdesisyon na rin ang mga organizer ng Misa na simulan na ito, para naman sa mga taong maagang nagsidating para dumalo sa liturgical Mass.

Nagpasabi na rin naman kasi umano ang Pangulo sa mga organizer na pasimulan na ang Red Mass kahit na wala pa siya.

Pagdating ni Pangulong Aquino ay hindi na rin ito nagtungo sa harapan ng simbahan at sa halip ay nanatili na lamang malapit sa entrance ng Manila Cathedral.

Ikinatwiran naman ni Aquino sa media na sumakit daw ang kanyang tiyan kaya ito na-late umalis ng kanyang bahay.

Inialay ng CBCP ang red mass para magkaroon ng pagkakaisa sa ilalim ng Aquino administration.

Sinabi ni Rosales sa kanyang homily, ang misa ay humihingi ng tulong sa Holy Spirit upang basbasan ang bagong lider ng bansa at magkaroon ng pagkakaisa.

Kabilang sa mga du­ma­lo sa misa ay sina Vice-President Jejomar Binay, Supreme Court Chief Justice Renato Corona, Manila Mayor Alfredo Lim at iba pang Gabinete ni Aquino at ilang kongresista.

Show comments