MANILA, Philippines - Magre-recruit ng karagdagang sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang isabak kontra mga rebeldeng NPA na patuloy sa paghahasik ng terorismo.
Ito’y sa gitna na rin ng inilatag na panibagong 3 taong ultimatum ng bagong luklok na si AFP Chief of Staff Gen. Ricardo David para tuldukan ang NPA rebels.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Johnny Mabanta, kasalukuyan ng tinatalakay ng bagong liderato ni David ang pagre-recruit ng karagdagang tropa ng mga sundalo.
Sa kasalukuyang ratio, ipinunto ng heneral na kulang na kulang ang 120,000 na kasalukuyang puwersa ng mga sundalo para mabigyang proteksyon ang tinatayang mahigit 90 milyong populasyon ng Pilipinas.
“We need funding for the recruitment,” ani Mabanta na sinabi pang ibubuhos ng AFP ang lahat ng resources nito para sa pagtupad sa nasabing misyon.
Matapos ang pagbalangkas ay isusumite nila sa Kongreso ang rekomendasyon para sa pagre-recruit ng karagdagang puwersa ng AFP.
Magiging prayoridad naman ng operasyon kontra NPA rebels ang mga pinamumugaran nitong teritoryo sa Bicol Region, Davao-Compostella Valley area, Samar, Negros Island at iba pa.